Martes, Abril 22, 2014

Ang Guro at ang Araw ng Paggawa


Ang Guro at ang Araw ng Paggawa
ni Ramon B. Miranda

Mayo Uno – Ang Pandaigdigang Araw ng mga Manggagawa sa buong mundo. Sa tuwing sasapit ang araw na ito, milyun-milyong manggagawa sa buong daigdig ang naglulunsad ng mga iba't ibang aktibidades upang ipagdiwang ang araw na ito. Ilan sa mga ito ay ang pagsasagawa ng rali, kilos-protesta, dayalog at marami pang iba.

Bakit nga ba ipinagdiriwang ang araw na ito? Ayon sa pananaliksik ng mga eksperto sa paggawa, ginugunita sa araw na ito ang mga sakripisyo ng mga martir na manggagawang namatay sa Haymarket Square sa Chicago nang magsagawa sila ng isang sama-samang pagkilos noong Mayo 1886 para ipaglaban ang pagsasabatas ng walong oras na paggawa. 

Naging inspirasyon ng mga manggagawa sa buong daigdig ang pagkilos na iyon upang mapababa sa walo ang oras paggawa na dati-rati’y umaabot ng labingdalawa (12) o mahigit pa noong nakaraang mga panahon. 

Dito sa Pilipinas, pinangunahan ng Union Obrera Democratica de Filipinas ang unang pagdiriwang ng Mayo Uno na nilahukan ng 100,000 manggagawang Pilipino mula sa iba’t ibang pagawaan.

Sa ating mga kaguruan, nararapat din bang makiisa tayo sa pagdiriwang ng Araw ng Paggawa? Maraming mga guro ang nagsasabing hindi naman daw sila manggagawa, bakit sila makikiisa sa pagdiriwang ng Araw ng Paggawa? Ayon pa sa kanila, may sariling laban ang guro na kaiba sa laban ng mga manggagawa. Ilan lamang ito sa mga kadahilanan kung bakit ang ilang mga guro ay napakakunat ng paglahok sa pakikibaka ng uring manggagawa.

Bilang mga guro, nararapat lamang tayong lumahok sa pagdiriwang ng Araw ng Paggawa sapagkat tayong mga guro ay nabibilang din sa uring manggagawa. Bilang paglilinaw, ang mga manggagawa ay walang pribadong pag-aari sa kasangkapan sa produksyon upang makalikha ng iba’t ibang produkto na kailangan niya at ng sangkatauhan. Wala siyang pag-aari kundi ang kanyang sariling lakas na ibinebenta upang magtrabaho sa mga nagkalat na pagawaan. Sa pamamagitan ng pagbebenta ng kanyang pag-aaring lakas-paggawa, binibigyan naman siya ng kapitalista ng bayad na kung tawagin ay sahod na siyang ginagamit niya sa kanyang pang-araw-araw na pangangailangan upang mabuhay.  

Katulad ng mga manggagawa, ang mga guro ay walang pribadong pag-aari tulad ng paaralan o iba't ibang institusyon na may kinalaman sa edukasyon. Ang tanging pag-aari natin ay ang ating kaalaman sa pagtururo upang humubog ng mga mag-aaral para maging mabuting mamamayan sa hinaharap. Ang kaalamang ito ang ating ibinibenta sa mga naglipanang may-ari ng mga paaralan o pamantasan sa ating bansa. Ang tanging hinihingi nating kapalit sa pagbebenta ng kaalaman ay ang tinatawag na sahod. Ano ngayon ang kaibahan natin sa manggagawa? Hindi ba’t kabilang din tayo sa uring manggagawa?

Ang mga manggagawa at mga guro ay nagpapagod at nagpapawis upang mabuhay bilang tao. Kung ikaw ay may-ari ng isang pagawaan, hindi ka na manggagawa, ang tawag na sa iyo ay kapitalista. Kung ikaw ay isang guro na nagmamay-ari ng isang paaralan o pamantasan, ang tawag rin sa iyo ay kapitalista. Maaring mabibilang lang sa daliri ang mga kapitalisang edukador na nagtuturo sa paaralan o pamantasan sa dahilang ang tanging layunin ng kapitalista ay paghahangad na lumaki ang kanyang tubo. 

Ngunit lagi’t lagi nating tatandaan, “Mawawala ang kapitalista pero ang manggagawa kailanma’y hindi mawawala. Mawawala ang mga kapitalistang edukador ngunit ang mga guro ay mananatili.”

Tayong mga guro ay may kaparehong laban sa katulad nang nangyayari sa hanay ng mga manggagawa. Kung inyong matatandaan, naipanalo nating mga guro ang laban sa 6 Hours Teaching Load na dati-rati’y umaabot sa 8 oras at umaabot pa ng 12 hanggang 16 na oras, lalo na ang mga nagtuturo sa mga probinsiya. Manipestasyon lamang ito na hindi tayo hiwalay sa laban ng manggagawa dahil aminin man natin o hindi, tayo ay nabibilang sa “Uring Manggagawa”.

Linggo, Hunyo 23, 2013

Panambitan ni Titser

PANAMBITAN NI TITSER
ni Ramon B. Miranda
12 pantig bawat taludtod

Propesyong pinili di naman madali
Pagkat sakripisyo'y pinananatili
Pagpanday ng bukas lagi naming gawi
Upang bansa nati'y umunlad palagi.

Ngunit ano itong nangyayari sa'min?
Buhay naming titser laging alanganin,
Karampot na sweldo't maraming pasanin,
Tanging pagtityaga natitira sa'min.

Ang aming bokasyon bayani sa turing,
Dignidad naman ay laging nasasaling.
Ang pamahalaa'y masyadong magaling
Ngunit bingi naman sa'ming mga daing.

Sa mga pinunong mata'y nakapiring
Sa'ming panawaga'y kagyat na gumising
Dapat nang ibigay makatwirang hiling
Nang di maglayasan gurong magagaling.

Kabute ng Lunsod

KABUTE NG LUNSOD
ni Ramon B. Miranda

Samu’t sari ang suliraning dinaranas ng ating lipunan. Isa na rito ang lumalalang problema sa paninirahan. Marami sa ating kababayan ang nangangarap na lamang sa isang sulok ng kamaynilaan. Sila’y makikita natin kahit saan. Sila ang tinatawag nating maralitang tagalunsod o “Iskwater sa Sariling Bayan”.

Kung ating pagmamasdan at bibigyang pansin, sila’y tila mga kabuteng nagsusulputan na nakakalat sa kalunsuran. Ang pinagtagpi-tagping basura na nagsilbi nilang tahanan ay tamang-tama lang sa kanila para hindi abutin ng atake ng init at lamig ng kalikasan. Ito ang nagsisilbing pananggalang sa kanilang animo’y mga kawayang pangangatawan dahil na rin sa kakulangan ng pambili ng mga masusustansyang pagkain na dapat sana’y nasa kanilang hapag-kainan katulad ng mga kinakain ng mga taong nakaririwasa sa buhay. Sa tingin ng iba nating kababayan, ang mga tulad nila ay dumi sa ating lipunan na nagbibigay-dungis sa gubat ng kalunsuran. Tinatawag silang sakit sa mata o “eyesore” ng mga dayuhang turista na namamasyal sa ating bayan. Ikinahihiya sila ng mga kinauukulan sapagkat sila’y tila nagsisilbing putik sa isang malinis na damit ng mga maharlika sa isang kaharian.

Bakit ganito na lang ang pagtrato ng ilan nating mga kababayan, partikular na ang mga may tangan ng kapangyarihan? Nasuri na ba nila ang puno’t dulo ng kanilang karalitaan? Kung hindi naman, dapat nilang pag-aralan ang pinagmulan o pinag-ugatan nito. Ang karamihan sa tinatawag nating “Iskwater sa Sariling Bayan” o “Kabute ng Lunsod” ay karaniwang biktima ng mga ganid at mapagsamanta-lang mangangamkam ng lupa doon sa kanayunan. Sila ang mga dating magsasaka na may sariling lupa na pinagpapala na dati-rati’y kumikita nang sapat-sapat para mabuhay.

Sa iba’t ibang mga kadahilanan, maraming mga kaganapan sa kanilang buhay ang halos magpaputi ng kanilang buhay. Nariyan ang pagpasok ng iba’t ibang mayayamang may-ari ng kompanya na biglang magpapakita ng titulo ng lupa sa kanilang sinasaka. Nariyan ang mga panukala para sa pagpapalit-anyo ng sistema ng pamumuhay sa kanayunan na walang iba kundi ang di-mapigilang pagsulong ng industriyalisasyon.

Kung pakasusuriing mabuti, ang mga lupaing pinagtataniman ng mga magsasaka ng iba’t ibang mga produkto upang pakainin ang lipunang Pilipino ay hindi na magiging produktibo dahil isasakongkreto na ang mga ito para pagtayuan ng mga pagawaan. Dahil nga kulang sila sa lakas at impluwensya, marami ang walang kakayahang maipaglaban ang kanilang mga lehitimong karapatan bilang tao. Ang abang kapalarang ito ang nagsisilbing ugat ng pagdami ng maralitang tagalunsod sa ating bayan.

Ngayon nga’y sa lunsod sila nagdagsaan at natatanaw natin kahit saan. Sa tabi ng riles, estero at basurahan o di kaya ay sa ilalim ng tulay at mabahong tambakan. Sila’y nagpipilit mamuhay sa kabila ng karalitaan. Sa kasamaang-palad, sila ang kadalasang nagiging biktima ng mabangis na kalunsuran. Kahit sa ganitong kalunus-lunos na kalagayan, makikitaan mo pa rin sila ng kaunting kasiyahan dahil kahit papaano ay nararanasan nila ang tahimik na pamumuhay.

Subalit ang kadalasan, ang mga katulad nila ay hindi nakatatakas sa pangil ng kalunsuran sapagkat ang pamahalaan ay maraming balakin at programa para sa ikauunlad at ikagaganda ng kapaligiran. Isa sa mga halimbawa nito ay ang Luntiang Pangkalinisan o ang tinatawag na “Clean and Green Project” ng mga lokal na pamahalaan. Sa layuning ipakita sa mga dayuhang turista ang natutulog na kagandahan ng kalunsuran, masasaksihan sa lunsod ang walang katapusang gibaan ng mga tahanan ng maralita na itinuturing nilang nagpaparumi sa kalunsuran, partikular na yaong nasa tabi ng riles, estero, ilalim ng tulay, at tabi ng mabahong tambakan ng basurahan. Sa ganitong kalagayan, ang mga maralitang lunsod ay natutong mangatwiran sa kinauukulan. Biktima na nga sila ng karahasan sa kanayunan, pati ba naman sa kalunsuran ay hindi pa sila titigilan? Paano matatahimik ang buhay ng mga nilalang na ito kung sa bawat tinitirikan ng kanilang bahay ay lagi na lamang pinalalayas at pinandidirihan ng mga kinauukulan?

Kailan kaya malulunasan ang suliranin sa pananahanan ng mga pulitikong halal ng bayan? O talagang walang utang na loob ang mga pulitikong iyan na matapos mapakinabangan ang mga boto ng mga maralitang mamamayan hindi man lang nila bigyang pansin ang kanilang karaingan. Kung palaging ganito ang mararanasan ng mga mahihirap nating kababayan, mawawala ang tiwala nila sa pamahalaan lalo na sa mga inihalal ng bayan.

Kung hindi susuriin at reresolbahin ang ugat ng kahirapan sa ating lipunang ginagalawan, ang “Kabute ng Lunsod” ay lalo pang darami at lalo pang magsusulputan at sila’y masisilayan natin saan mang dako ng kalunsuran.

Kapag nangyari ang ganito, pati mga pambansang tanggapan o maging ang mga pambansang lansangan ang magsisilbi nilang tulugan hanggang sa makamtan nila ang minimithing maayos at disenteng tahanan. Ito ang araw ng pagbangon ng kanilang kamalayan upang pigtasin ang tanikala ng kahirapan.

Sabado, Oktubre 6, 2012

Ang Guro

ANG GURO
ni Ramon B. Miranda

Ang guro ay maaasahan
Handang magturo sa kabataan
Laging lumalaban!

Minsang nakasimangot
Dahil maliit ang sahod
Ang guro ay maaasahan!

Kahit problemado
Ang pagtuturo ang laging nasa ulo
Laging lumalaban!

Nagpunta sa DepEd at GSIS
Santambak na isyu kanilang ini-release.
Ang guro ay maaasahan

Dumating bigla ang kapulisan
Hinanap ang gurong maaasahan.
Laging lumalaban!

Makibaka! Huwag Matakot! ang panawagan
Biglang nagkaulo, ang iba'y nagtulakan
Ang guro ay maaasahan
Laging lumalaban!

- nalathala sa pahayagang DIGNIDAD ng Teachers Dignity Coalition, Nobyembre 2007

Martes, Agosto 21, 2012

Kahilingan ng Vendor

KAHILINGAN NG VENDOR
ni Ramon B. Miranda

Trabaho namin ay simple at marangal,
Laging nasa kalye’t  pag-unlad mabagal.
Hindi nagsasawa pag benta’y matumal,
Upang mabuhay lang aming minamahal.

Ngunit ano itong nangyayari sa ‘min?
Buhay naming vendor laging patawirin.
Maliit ang kita’t maraming pasanin,
Kinukurakot pa aming kakainin.

Hanapbuhay namin  ay “eyesore” sa iba.
Kaya’t MMDA kami’y ginigiba.
Aming kabuhayan laging sinusuba,
Ng mga buwitreng  tila’y naglipana.

Ang ating gobyerno masyadong mahigpit,
Lalo na sa aming mga malilit.
Pag hindi tumigil sa panggigipit
Dugo’t pawis namin sa inyo’y sasapit.

Ang Vendor

ANG VENDOR
ni Ramon B. Miranda

Ang vendor sa kalsadahan
Naglilingkod sa mamamayan
Laman ng lansangan!

Laging lumalaban,
Sa bwitre at tulisang bayan.
Ang vendor ay maaasahan.

Kahit hinahabol,
Ang pagtiinda’y laging protektado.
Laging lumalaban!

Nagtungo sa MMDA.
Karainga’y kanilang ipinaalam
Ang vendor ay maaasahan.

Nagsulputan ang kapulisan
Hinanap ang vendor na lumalaban.
Laging nasa lansangan!

Makibaka! Huwag matakot! Ang sigawan.
Vendor ay tinakot, ang karapata’y ipinagpilitan.
Ang vendor ay maaasahan.
Laging lumalaban.

Word Cinquan Poem (tula sa vendor)

Word Cinquan Poem
ni Ramon B. Miranda

VENDOR
TAONG MASIPAG
NAGSISILBI SA MAMAMAYAN
KINAGIGILIWAN NG MGA MAMIMILI
NAGTITINDA

MMDA
TAONG GOBYERNO
NAGDEDEMOLISH NG TAHANAN
KINAIINISAN NG VENDOR
MARAHAS

SUKI
TAONG NAMIMILI
MAHILIG SIYANG TUMAWAD
KAIBIGAN NG MGA VENDOR
PARUKYANO