Linggo, Hunyo 23, 2013

Panambitan ni Titser

PANAMBITAN NI TITSER
ni Ramon B. Miranda
12 pantig bawat taludtod

Propesyong pinili di naman madali
Pagkat sakripisyo'y pinananatili
Pagpanday ng bukas lagi naming gawi
Upang bansa nati'y umunlad palagi.

Ngunit ano itong nangyayari sa'min?
Buhay naming titser laging alanganin,
Karampot na sweldo't maraming pasanin,
Tanging pagtityaga natitira sa'min.

Ang aming bokasyon bayani sa turing,
Dignidad naman ay laging nasasaling.
Ang pamahalaa'y masyadong magaling
Ngunit bingi naman sa'ming mga daing.

Sa mga pinunong mata'y nakapiring
Sa'ming panawaga'y kagyat na gumising
Dapat nang ibigay makatwirang hiling
Nang di maglayasan gurong magagaling.

1 komento:

  1. SAHOD NG GURO ITAAS! INABOT NA NG ELECTION FEVER ANG PAGTATAAS NG SAHOD NG MGA GURO AT MGA KAWANI NG PAMAHALAAN! ITO ANG IPANLILIGAW PARA SA BOTO NG ADMINSITRASYON.

    TumugonBurahin